Tuesday, February 1, 2011

Ang stretch marks ay battle scars.

Oo, tama. Ang stretch marks ay battle scars. Hindi ko alam kung bakit, pero nagsisulputan sila ngayong simula ng taon. Noong Pasko, wala naman ako nito. Kaunting-kaunti lang sa may tagiliran. Laking gulat ko na lang, ang dami ko na palang kamot sa tyan, sa balakang (baka naman 'pag nagkita tayo, hubaran niyo nalang ako bigla para makita!). Namumula-mula, at para bang kinalmot ng batang isang linggong hindi nagupitan ng kuko. Sabi nga ng ate ko, parang mga uod daw. Sagot ko naman, 'Eh, ano?'. Natural lang naman 'yan sa mga buntis. At hindi ko naman 'to kinamot, kusa silang nagsilabasan. Siguro para silang mga prutas, seasonal. Syempre, nababanat ang balat. Siya nga, hindi naman buntis, tadtad din ng stretch marks ang mga binti. Sabi nga ng ginagamit kong Palmer's Cocoa Butter Formula Massage Cream for stretch marks, "Skin sensitivity heightens during pregnancy." (dinagdag ko lang 'to, pampalubag-loob sa sarili)

Kumbaga sa panahon, weather-weather lang 'yan. Tsambahan kung sinong magkakaro'n, at kung sinong makinis pa rin ang balat. Nataon lang na ako ang dinapuan. Kung sindali lang nang pangtataboy sa aso ang pangtataboy sa mga stretch marks, edi sana solb nang problema ko. E, kaso, hindi. Kaya relax lang, Ayms. Matatanggal din 'yan balang araw. Kung hindi, e, 'di 'wag. Okay lang naman sa'kin. 

Tanda ata 'to ng pinakamagandang karanasan na meron ako. At 'yun, e, ang magkaanak mula sa taong mahal ko, este, minahal. Oh teka, wala akong balak magdrama rito, usaping stretch marks ito, period (doble-kandado-tapos!). Aba, hindi lahat ng babae, nabibiyayaan ng sarili nilang mga anak. Ang iba diyan, kinakailangan pang mag-ampon. Ang iba naman, aayon na lang sa mga makabagong teknolohiya. Kaya ano ang dapat kong ikalungkot? Alam mo, 'pag nagkaroon ka na ng anak, hindi mo na iisipin 'yang sarili mo - lalo na, ang itsura mo. Ke magkandalosyang-losyang ako, lumala man 'tong mga stretch marks na'to, wala na 'kong pakialam. Tutal, wala na naman akong kailangang pagandahan. Dahil maganda naman talaga ko, noon pa (ang kumontra, gigilitan ko ng leeg, pramis). Ang mahalaga, e, masaya na'ko ngayon! Bundat man ang tyan ko't panay kamot, pakiramdam ko, mas maganda ako ngayon, kaysa noon!