Sunday, November 13, 2011

Dahil ako ay isang hopeless romantic.


Marahil nga’y hindi tayo ang para sa isa’t isa. 
Kaibigang turingan, saaki’y sasapat na.  
Sa isang tabi, nahanap ko ang katahimikan. 
Hindi ko maipaliwanag ngunit masaya ako.
Tuwing nakikita kita, lumiliwanag ang paligid.
Hanapin mo lamang ang pinakamaningning na bituin sa langit,
 at doon, 
mararamdaman mo ang pag-ibig ko.

Huwag kang manisi.

Huwag kang manisi.

Huwag mong sisihin ang oras.

Ikaw ang may hawak sa oras at hindi ang oras ang may hawak sa'yo. 

Pablo Neruda.

KUNDIMAN
Pablo Neruda

Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.

Maisusulat, halimbawa: "Ang gabi'y mabituin,
at nanginginig, asul, ang mga tala sa dako pa roon."

Umiikot sa langit ang hangin ng gabi, umaawit.

Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.
Siya'y inibig ko, at kung minsan ako'y inibig din niya.

Sa mga gabing tulad nito, niyakap ko siyang mahigpit
at hinagkan sa lilim ng walang-hanggang langit.

Ako'y inibig niya, kung minsan siya'y inibig ko rin.
Paanong hindi iibigin ang mga mata niyang malamlam?

Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.
Isipin lang: Hindi ko siya kapiling. Nawala siya sa akin.

Dinggin ang gabing malawak, mas malawak pagkat wala siya.
At ang tula'y pumapatak sa diwa, parang hamog sa parang.

Ano ngayon kung di siya mapangalagaan ng aking pag-ibig?
Ang gabi'y mabituin, at siya'y hindi ko kapiling.

Iyon lamang. Sa malayo, may umaawit. Sa malayo.
Diwa ko'y hindi mapalagay sa kanyang pagkawala.

Anyong lalapit ang paningin kong naghahanap sa kanya.
Puso'y naghahanap sa kanya, at siya'y hindi kapiling.

Ito ang dating gabing nagpaputi sa mga dating punongkahoy.
Tayo, na nagmula sa panahong iyon, ay di na tulad ng dati.

Hindi ko na siya iniibig, oo, pero inibig ko siyang lubos.
Tinig ko'y humalik sa hangin para dumampi sa kanyang pandinig.

Sa iba. Siya'y sa iba na. Tulad ng mga dati kong halik.
Tinig, maningning na katawan. Mga matang walang-hanggan.

Hindi ko na siya iniibig, oo, pero baka iniibig ko siya.
Napakaikli ng pag-ibig, at napakabata ng paglimot.

Pagkat sa mga gabing tulad nito'y niyakap ko siyang mahigpit,
diwa ko'y di mapalagay dahil sa kanyang pagkawala.

Ito marahil ang huling hapding ipadarama niya sa akin,
at ito na marahil ang huling tulang iaalay ko sa kanya.



----- Kung sino man ang nagsalin ng tulang ito, iniibig kita. 

Way back into love. (korni)

Nakakaawa naman ang blog na'to. Walang kalaman-laman. E bakit pa kasi ako gumawa nito kung hindi ko rin naman pala gagamitin? Siguro e, dahil sa walang panahon para magsulat. Nakakapanghinayang. Pero kung gusto, maraming paraan. Maraming nakalaan na oras. Hindi lang marahil nagagamit sa tamang paraan. Kesa tumambay sa kung saan at magsunog ng baga, ubusin na lang ang oras sa pagsulat. Tutal, stress reliever din naman ang pagsusulat. Mas epektib pa nga 'to kesa sa bisyo --- o sa pakikipaglambuchingan mo sa boyfriend mo. (Hindi ako bitter, nagpapaliwanag lang!) At ayun nga, kaya eto, sinusubukan kong bumalik muli sa pagsusulat! ---Wala na'kong masabi, dito ko na lang tatapusin 'to.